Ilaladlad muli nina Ariel Cabaral at Chloe Mercado ang mga husay at talento sa mga hahambalos sa inaabangang San Jose Salt National Juniors Tennis Championships na binuksan Biyernes sa Jethro Sports Center sa Valenzuela City.
Mahigit 150 mga batang atleta sa siyam na kategorya ng edad ang nakikipagkumpitensya para sa mga karangalan at mahahalagang puntos sa pagranggo sa Group 2 tournament na itinatanghal ng Dunlop.
Haharapin ni Cabaral sa boys’ 18-and-under division sa mahigpit na kompetisyon sina Antonio Ng Jr., Jose Santillan at Rueben Otadoy, habang si Mercado ay hahamunin nina Sandra Bautista, Jana Diaz at Izabelle Camcam sa kapana-panabik ding labanan para sa tampok na titulo ng limang araw na torneo na itinataguyod ng Keizan Steel Trading.
Bibida rin si Ng sa mahuhusay na manlalaro sa 16-&-U category ng torneo na bahagi ng nationwide circuit sa ilalim ng Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala program ni president/CEO Bobby Castro. Kabilang sa mga kilala pang mga kontender sina Julio Naredo, Troan Vytiaco at Zachary Morales.
Sa girls’ division, inaasahang maglalabo-labo sina Diaz at Bautista, kasama sina Ave Maria Policarpio at Jasmine Sardona.
Para sa mga detalye pa, makipag-ugnayan kay event organizer Bobby Mangunay sa 0915 404 6464.
Nangangako rin ang torneo ng matinding kompetisyon sa iba pang kategorya kasama sina Naredo at Vytiaco, pati sina Antonio Bengzon at Enzo Masaga sa boys’ 14-and-U class, habang sina Policarpio at Camcam ang mga patok sa girls’ side kasama sina Athena Liwag at Lilith Rufino na misyong makasorpresa naman.